Ayoko  nang Sumapit pa ang Tag-ulan (inspired by Supertyphoon Yolanda)

Ayoko nang sumapit pa ang tag-ulan
Sa tuwing ito ay sumasagi sa
Pagal kong isipan
Ibong dumarapo ang pagkaligalig sa aking nanunukal
Sa aking pag-iisa, ako ay balisa
at hindi mapalagay.

Ayoko nang sumapit pa ang tag-ulan
Tiyak na mapupuksa ang aming munting kabuhayan
Anong ihahain na pantawid-buhay?
Sa lugmok naming nayon, tiyak na lulubha ang matinding kagutuman.

Ayoko nang sumapit pa ang tag-ulan
Sa dahas ng bagyo, wala nang pananggalang
Ang umiindayog naming haron kapagdaka ay mabubuwal
Sa laot ng gabi ng kanyang pagsalakay.

Ayoko nang sumapit pa ang tag-ulan
Ayokong danasin ang kapighatian
Ayokong mawalan ng mahal sa buhay
Ayokong maglaho ang lupa kong kinagisnan.

Ayoko nang sumapit pa ang tag-ulan
Baka akp mismo ay tanghaling isang bangkay
Paano pa matutukoy ang naaagnas kong kaanyuan?
Paano pa mababatid ang burol kong pinaglibingan?

Sana ay magpatuloy pa ang pamamayagpag ng tag-araw
Upang ang banta ng tag-ulan ay ating matakasan
Kapag ang kanyang poot ay latigong inihataw
Tuluyan tayong malulugmok na animo'y kawal.

Free Thinker
©2013

Mga Komento

Kilalang Mga Post