Panalangin
isinulat ni Jadesensei

Minsan sa isang gabi,
Kung saan naghahari ang dilim,
Sumambit ako ng isang panalangin,
Habang nakadungaw sa mga bituin,
Ibinulong sa hangin ang mga sinabi,
At hinayaan si Bathala sa kaniyang gagawin,
Ngunit walang sumagot na dumating,
Sa sagot kung bakit hindi ka na nakabalik,
Sa aking mga yakap,
Ang aking tanging alapaap,
Hanggang naubusan na ako ng tanong,
Na hindi man lang nabigyan ng sagot,
Hanggang sinabi ko na lang sa sarili ko,
Na baka dito magtatapos ang kuwento,
Ngunit hindi ko mapaniwala ang sarili ko,
Sa aking nilikhang mga ilusyon,
Kaya isang gabi,
Ang mundo ay aking isinantabi,
At umusal ng isang panalangin,
Na tanging si Bathala lang ang makakarinig,
Hanggang makita uli kita,
At ang mga tanong ay nasagot ko na,
Tinanggap ko na lang ang katotohanan,
Na hindi natin maibabago ang tadhana,
Simula nang tayong dalawa ay sumuko,
At umalis sa tagpuang ating pinagkasundo,
Saksi ang buwan sa aking luha,
Na umagos hanggang sa aking unan,
Masyado pa akong mahina para bumitaw,
Kaya nabuhay ako sa aking mga gunita,
Hanggang isang gabi,
Nanunuyo ang kapwa lalamunan at labi,
Sumambit ako ng isang panalangin,
Saka bumuntong hininga sa hangin,
Na kung saan ka man naroroon,
Masaya na ako para sa iyo,
At si Bathala na ang bahala sa kuwento,
Kung paano tayong dalawa ay nagtagpo,
Hanggang parehas na napagod at sumuko,
At gagawin ko ang aking makakaya,
Hanggang tuluyan na kitang makalimutan,
At makabuo ng isang bagong panalangin,
Na tanging si Bathala lamang ang makakarinig.

Mga Komento

Kilalang Mga Post